AQUINO, ROXAS NANGUNGUNA PA RIN SA PULSE SURVEY

PANINIRA, BILYON-BILYONG PISONG GASTOS NG KALABAN WALANG EPEKTO

 

Kahit na gumastos na ng bilyon-bilyong piso at tuloy-tuloy ang paninira ng kanilang mga kalaban sa eleksyon sa Mayo 10, patuloy na nanguna sa pinakahuling survey ng Pulse Asia ang pambato ng Partido Liberal na si Senador Benigno S. Aquino III at Senador Mar Roxas. 

Ayon sa survey na isinagawa ng Pulse Asia sa 1,800 na respondents sa buong bansa mula Pebrero 21-25, umungos si Aquino na kandidato para Pangulo ng LP kay Senador Manuel Villar ng Nacionalista Party ng pitong puntos nang siya ay piliin ng 36 porsyento ng mga botante na iboboto nila bilang Pangulo kung ang eleksyon ay gaganapin ngayon. 

Sa mga tumatakbo naman bilang Bise-Presidente, nanguna pa rin ng milya-milya si Roxas kay Senador Loren Legarda na running mate ni Villar ng piliin si Roxas ng 43% ng mga botante kumpara sa 27% na pumili kay Legarda. 

Kung boboto lahat ng 50 milyong rehistradong botante, lalamang si Roxas ng halos walong milyong boto kay Legarda, na siyang magiging pinakamalaking lamang ng isang tumatakbong kandidato sa kanyang kalaban sa buong kasaysayan ng bansa. 

Sa presidential survey, pinili si Villar ng 29 porsyento lamang ng mga botante, ayon sa Pulse Asia.  

Kung boboto lahat ang 49 milyong rehistradong botante, lalamang si Aquino kay Villar ng 3.5 milyong boto base sa survey ng Pulse Asia. 

Samantala, ang iba namang kandidato para Pangulo ay nakakuha ng mga sumusunod na rating: Joseph Estrada, 18%; Gilbert Teodoro, 7%; Eddie Villanueva, 2%; at Richard Gordon, 1%. 

Ang iba namang kandidato para Bise-Presidente ay nakakuha ng mga sumusunod na rating: Jejomar Binay, 15%; Bayani Fernando, 4%; at Edu Manzano, 2%.

 

 

 


02-10-2010